Miyerkules, Disyembre 27, 2017

Komentaryo: Lagay ng Trapiko sa Lungsod ng Malolos

Nitong mga nakaraang buwan ay naging kapansin pansin ang palalang kondisyon ng daloy ng mga sasakyan sa maraming lugar sa ating lungsod.  Bago pa man magsimula ang ngayo'y patapos na panahon ng Kapaskuhan ay nararamdaman na nang marami sa atin ang mala EDSA'ng daloy ng trapiko.  Hindi nga iisang beses na ito ay naibulalas ng ating mga kababayan sa social media.  May nakakatuwang mga post na ang Malolos daw ay naging karugtong ng EDSA dahil sa usad pagong na galaw ng mga sasakyan.  Ang iba naman ay nagpahayag ng kanilang pagkadismaya sa paulit ulit at di matapos na "pagkukumpuni" ng mga kalsada sa kahabaan ng Mc Arthur highway na dinagdagan pa ng pagsasara ng capitol compound sa trapiko.  Ano nga ba ang mga naging dahilan nang malubhang pagsisikip ng ating mga pangunahing kalsada?  Bilang mga nagmamahal na residente ng lungsod ng Malolos ano ba ang maari nating gawing tulong bukod sa malimit na pamumuna sa ating mga nakaupong lider at pagrereklamo gamit ang social media?


Resulta ng larawan para sa Malolos city



Hayaan ninyo akong ibahagi ang nilalaman nang aking damdamin ukol sa kalagyaang ito ng ating mga kalsada. Ang mga ito ay pawang opinyon ko lamang buhat sa mga personal na karanasan nitong mga nakaraang buwan bilang isang mananakay o motorista na bumabaybay sa ating lansangan.  Wala akong intensyong magsimula ng debate o mam-bash nang sinuman. Hindi ko rin nilalayon na magtila isang matalinong nilalang na naguumpaw ang kaalaman sa binabangit na paksa.



Matatandaang nagsimula tayong makaramdam ng masikip na daloy ng trapiko nuong buksan ang Robinson Place sa Mc Arthur highway.  Ispesipikong naramdaman ang mabagal na paggalaw ng mga sasakyan sa mga kalye nang M. Crisostomo (kabayanan mula sa may Phoneworld) patungong Lucero Street (mula sa pagbaba ng tulay ng San Vicente - AKA Ngusong Buwaya) hangang sa Fausta.  Parte daw ng kaunlaran sabi nang ilan.  Pagkatapos ng ilang panahon nang umabot na sa gawing main gate ng BSU hanggang sa may dating Radio Veritas ang pagpapataas at pagpapalawak ng kalsada sa kahabaan ng daang Mc Arthur ay naging araw araw na pasanin na rin ito ng mga mananakay at motorista.  Madalas ay inaabot ng halos isang oras mula sa may kanto ng Dakila hanggang sa crossing dahil sa konstruksyon.  Kailangan daw ito para maiwasan na ang pagbabaha, okay fine.  Sabi nga eh, kung gusto mong makarating ng langit eh mamatay ka muna.



Ngunit tila yata hindi pa tayo lubusang namamatay dahil mukhang malayo pa ang langit na dulot ng mga isinagawang pagawaing bayan.  Sumunod na ginawa pagpapataas ng kalsada sa kahabaan ng A. Mabini (mula crossing hangang gawing STMA Trinidad) sabayan mo pa ng pagsasayus di umano ng drainage system sa nasabi ring lugar.  Pero hindi pa tapos, dahil sinabayan rin ito ng pagsasara ng capitol compound dahil kailangan din nitong isailalim ang sarili sa mga upgrades.



Ang resulta? malawakang trapik na nagmumula sa crossing hanggang sa kanto ng Lugam.  Naging notoryus na ang kahabaan ng A. Mabini sa trapiko.  Tila wala nang pinipiling oras nga ito.  Nagreresulta ito sa maraming pagkaantala na magdudulot ng maraming pagkawala ng mga kita, oportunidad at kabuhayan sa marami nating kababayan.  Ito naman ay tila hindi nawaglit sa mata ng ating pamunuang panglungsod, ang nalalaman ko ay nagkaron pa ng pagdinig ang Sangguniang Panglungsod sa pamumuno ni Konsehal Nino Bautista ukol sa lagay ng trapiko sa ating lungsod.  Kung ano ang kinalabasan nito ay hindi ko nalalaman.



Ang mga susumsunod ay mga bagay na sa tingin ko ay makakatulong kahit na paano sa ating sitwasyon.  



1. Dapat na magkaroon ng side walk clearing sa mga choke points at mga volume heavy streets.  Gawin nating halimbawa ang kahabaan ng crossing mula sa pagbaba ng tulay sa tapat ng Dynatek hanggang sa mismong crossing.  Mapapansin natin na ang mga bangketa ay okupado ng mga sasakyan at vendors. Ang resulta nito ay mga taong naglalakad sa mismong kalsada at nakikipagagawan ng espasyo sa mga nagdadaang sasakyan.  Dapat nating isaalang alang na ang bawat espasyong kukunin ng mga pedestrian ay segundong mawawala sa natural na daloy ng mga sasakyan.  Ang ilang segundong pagkahinto ng isang jeep sa tapat ng Jollibee halimbawa ay may eksponential na resulta sa mga sasakyan kahit na ito ay nasa gawing CCF pa lamang.  Ang bangketa ay para sa mga pedestrian at hindi para sa mga vendors at nakaparadang sasakyan.  Isama natin dito ang mga nagkalat na karatula ng iba't ibang establisyimento sa kahabaang ng A. Mabini na nakatayo pa mismo sa ibabaw ng drainage canalAh bago ko makalimutan, kung hindi sasakyan ang nasakabalandra sa bangketa ay sangdamakmak na basura, na talagang iiwasan mo at magtutulak sayo na maglakad sa mismong kalsada.


2. Kailangang magkaroon ng pagbabago sa diskarte nang ating mga pampublikong drayber.  Malimit na sila ang mariringgan natin ng reklamo dahil trapik daw, at apektado ang kanilang kita.  Minsan nga dahil sa trapik ay nagagawang tanggihan ng mga tricycle driver ang mga pasahero o kaya naman ay maningil ng sobra.  Pero ang hindi nila naiisip ay madalas sa hindi sila rin ang sanhi ng buhol buhol na trapiko.  Maghintay ka ba naman ng mananakay sa tapat ng Chowking na isang choke point at sa iba pang "Bawal Magbaba at Magsakay" na lugar - resulta? Alam na!


3. Marapat din na suruin ng pamahalaang lokal kung angkop ba ang kakayahan nang ating mga awtoridad sa pagpapatupad ng batas trapiko at pagdidisenyo ng mga patakaran na dapat sana ay makatiyak sa maayus na daloy nang mga sasakyan.  Halimbawa na nito ay ang u-turn slot sa may intinatayong bagong city hall.  Hindi ko maintindihan kung bakit ang mga sasakyang mag yu-U-turn ay kailangang pumasok sa service road at saka kumaliwa sa u-turn slot na nagdudulot na paghinto ng mga sasakyang paderecho papuntang Longos o Calumpit.  Hindi ba mas naaangkop na ang mga mag yu-U-turn ay nasa inner most lane para hindi maapektuhan ang mga sasakyang hindi naman babaling pabalik?  Kailangan din nating banggitin na may mga pagkakataong nagiging "traffic fault finders" ang ating mga traffic enforcers.  Sa halip na igabay nila ang ating mga mamamayan at motorista ay may mga pagkakataong hinihintay nila na magkamali ang mga ito at nang mahuli nila.  Hindi ko iminumungkahing tanggalin silang lahat bagkus ay marapat lamang sigurong magkarun ng assessment sa ating mga taong tagapagpaganap ng mga batas trapiko.



4. Sa ating namang mga mananakay at pribadong motorista, makakatulong nang malaki na piliin nating sumunod sa mga alituntuning pang trapiko.  Iwasang nating sumakay at bumaba sa mga lugar na bawal.  Huwag din nating hayaang maging dahilan ng mga obstructions sa mga choke points.  Lalo nang huwag nating agawan ang mga pedestrian ng kanilang daanan.  



Marahil naiisip ninyo na wala namang nabanggit dito na hindi ninyo naisip.  Mainam kung ganun, dahil ang ibig sabihin nito ay lahat tayo (o marami sa atin) ay may sapat na conciousness at awareness sa mga dapat nating gawin on our own rights.  Huwag nating iaasa sa pamahalaan ng kabuaang solusyon sa mga problema.  Kung patuloy nating ipagpapa social media ang mga reklamo at walang aksyon tayong gagawin sa ating mga sarili - wala tayong pinagiba sa mga binabatikos nating pinuno ng bayan.


0 comments:

Mag-post ng isang Komento