Miyerkules, Disyembre 13, 2017

Komentaryo : Paano tayo makakatulong isyu ng MRT?

Note: Not a basketball piece, but a sharing of a recent and recurring experience when riding MRT

Kaninang umaga ay umalis ako mula sa aming bahay sa Malolos, Bulacan ng bandang 6:00 ng umaga papasok sa opisina sa Makati.  Kulang kulang isang oras ang biyahe mula Malolos hangang North Avenue station sa Quezon City.  Nakarating ako sa istasyon ng MRT sampung minuto bago ang ika-pito ng umaga.  Ang inabutan kong dulo ng pila ng mga pasahero ay hangang doon sa may bagong ginagawang condominium building mga humigit kumulang 100 metro ang layo mula sa istasyon.  Nakasakay ako ng tren ng bandang 8:30 na ng umaga.  At habang papalapit ako sa bukana ng istasyon siya namang papadami ang tao at haba ng pila.  Nakarating ako ng opisina ng lagpas 15 minuto pagkatapos ng ika-siyam ng umaga.  Mahigit 3 oras na biyahe dagdagan mo pa sandamakmak na pawis na inilabas habang nakapila, wala pa dyan ang usok na nalanghap mo mula sa EDSA.  Mahirap, nakapahirap.  Pero kailangang magpatuloy. 


Batid kong ang issue sa MRT ay hindi matutugunan sa mga susunod na araw o kahit pa linggo.  Maaring mangailangan ng isang taon o higit pa bago maisaayos ang problema.  Gobyerno ang inaasahan nang nakararami na magbibigay solusyon sa araw araw na pasakit na ito sa mga mamamayan. Tama naman, dahil pananagutan nang pamahalaan na tiyaking ang “mass transport system” nang bansa ay maayus at ligtas na napapakinabangan ng bayan.  Pero habang nagiintay tayo sa isang pangmatagalang solusyon, hindi naman tama na puro reklamo lamang tayo at rant sa social media.  Sa maliliit na paraan ay maari tayong makatulong upang mabawasan ang problema. Ang mga sumusunod ay mga maliliit na hakbang na pwedeng tahakin ng -  una – mga nagpapatakbo ng MRT at ikalawa – taong bayan na sumasakay dito;

  • Dahil sa hindi maiiwasan na ang mga mananakay ay nakakramdam na ng inis at pagod habang nagiintay ng masasakyang tren, makakatulong na ang mga “staff” at “security personnel” at magiliw na makikitungo sa taong bayan.  Hindi makakatulong kung magsusungit ang mga gwardya sa pagiinspeksyon ng mga dadalahan ng mga tao.  Hindi rin kaayaayang makita ang mga “teller” na nakasimangot habang nagbebenta ng tickets sa mga tao.  Ang simpleng ngiti mula sa mga MRT personnel ay makakpawi kahit kaunti ng pagod at inis ng mga mamamayan dulot ng pagkaantala ng kanilang biyahe.
  • Totoong walang magagawang biglaang solusyon sa kakulangan ng mga tren, pero natitityak kong malaking bagay ang maidudulot kung ang mga taong responsable sa operasyon ng MRT ay magiging mas mabilis at episyente sa kanilang gawain.  Ang mas mabilis na serbisyo sa pagod na mga mananakay at kahit paano’y makakabawas ng “stress” sa bawat isa.
  • Maayus at patas na pagpapatupad ng patakan para pribiliheyo ng mga nakatatanda, buntis, may sakit at kapansanan.  Madalas kong makita na tila baa ng sistemang ito ay naabuso ng ilan sa ating mga kababayan.  Sana ito ay bigyang pansin ng pamunuan ng MRT.
  • Ang pagkakaroon ng konsiderasyon sa kapwa pagod ding mananakay ay makakapagbigay ng malaking pabor sa bawat isa.  Halimbawa, huwag naman tayong humarang sa pintuan kung may papalabas na mga pasahero. Unahin nating punuin ang loob na bahagi ng tren para mas makapagsakay pa ito ng mas marami.
  • Hindi rin maganda sa tingin ko na maupo sa gitnang bahagi tren, madalas kasi eh yung espasyo na nauupuan ng isang mananakay ay maari sanang pagkasyahan pa ng 2 hangang 3 tao kung nakatayo.
Ang mga nabanggit ay mga suhestyon lamang mula sa aking pananaw kung paano ang kasalukuyang sitwasyon ay mapabuti ng kahit na kaunti.  Bukod sa lahat ng mga ideyang pedeng i-share mananatili na ang DISIPILINA ng bawat isa ang siyang magiging pinaka krusyal na parte para sa ikakabuti ng sitwasyon.


***Photo credits from Moonwalkerwiz Blogsite

0 comments:

Mag-post ng isang Komento